
Bumisita sa CENRO Sta. Cruz si Regional Executive Director Nilo Tamoria upang kumustahin ang pang-araw araw na operasyon ng naturang tanggapan. Sa kanyang pag-lilibot, kanyang pinuna ang mga inisyatiba na nakakatulong sa paghahatid ng serbisyo publiko ng CENRO Sta. Cruz.
Isang exhibit area ang inilaan ng tanggapan upang maitaas ang kaalaman at makapagbigay ng wastong impormasyon tungkol sa mga gawain nito at iba’t ibang pangkakalikasang paksain at pagdiriwang ng DENR. Makikita rito ang mga iba’t ibang serbisyo, proyekto, mga napagtagumpayan na gawain at mahahalagang kaganapan sa pamamahala ng kapaligiran at likas na yaman.
Isa din sa mga inisyatiba ay ang mga ipinagawang Visitors’ Lounge at Alfresco Conference Area. Nilalayon ng mga ito na maging komportable ang mga kliyente at bisita ng tanggapan habang nag-aasikaso ng kani-kanilang mga transaksyon at aplikasyon. Nilalayon din nito na maging isang ligtas na lugar sa COVID-19 ang maaaring pagdausan ng mga pagpupulong o dayalogo.
Dagdag pa dito, anim (6) na solar lights ang naikabit sa palibot ng CENRO Sta. Cruz compound upang makadagdag sa seguridad hindi lamang sa nasabing tanggapan gayundin sa mga nakalagak na mga kumpiskadong kahoy, sasakyan, at kagamitan.
Ngayong taon ay mas pinalakas din ang pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan. Nakapagsagawa ng 19 operasyon katuwang ang mga iba’t ibang enforcement agencies na kung saan ay nakasabat ng apat (4) na chainsaw. Sa kasalukuyan, 24 na chainsaw na ang nakumpiska simula taong 2017. Hinggil dito, nakakapag pagawa ng isang lagakan ng mga chainsaw upang ito ay maisaayos at maprotektahan habang gumugulong ang mga kaso nito.
Patuloy na isasagawa ng CENRO Sta. Cruz ang mga ganitong hakbangin upang makapagpaabot ng maayos at may kalidad na serbisyo publiko.
- Details
- Parent Category: News & Events
- Category: Photo Releases
- Published: 12 October 2022