Biñan City, Laguna – Kaugnay ng taunang selebrasyon ng International Coastal Clean-Up (ICC) Day tuwing ikatlong Sabado ng Setyembre, nag-organisa ng isang clean-up activity ang PENRO Laguna sa pangunguna ng Manila Bay Site Coordinating Management Office (MBSCMO) – Laguna at City Environment and Natural Resources Office (City ENRO) – Biñan, Laguna na ginanap noong 17 Setyembre 2022 sa Brgy. Malaban, Biñan City, Laguna. Tinatayang 230 na mga kalahok mula sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno, pribadong kompanya at iba pang mga organisasyon ang tumulong na malinis ang kahabaan ng Biñan River. Ayon sa City ENRO Biñan, humigit-kumulang 8,000 kilo ng basura ang nakolekta sa nasabing clean-up activity.

Ngayong taon, ang tema ng selebrasyon ng ICC ay “Fighting for Trash Free Seas, Ending the Flow of Trash at Source”. Kabilang sa mga lumahok ang Locators of Laguna Technopark, Inc., Biñan Environment Army, BISIG-CATA (Biñan-Silang-GMA-Carmona-Tagaytay) River Rehabilitation and Protection Foundation (RRPF), Inc., Philippine Marine Environment Protection Association (PHILMEPA), San Francisco Ladies Organization, PNP Biñan City, BJMP Biñan City, BFP Biñan City, F-Tech Philippines Manufacturing Inc., Pamahalaang Panglungsod ng Biñan, Sangguniang Barangay ng Biñan at lokal na komunidad.

Sa 8,000 kilos basurang nakolekta sa nasabing clean-up, 5,000 kilos nito ay non-biodegradables, 2,000 kilos ang nabubulok at ang natitirang 1,000 kilos ay mga residuals. Ang Biñan River ay isa sa 12 major rivers sa lalawigan ng Laguna na siyang tinututukan ng MBSCMO sa ilalim ng programang Manila Bay Rehabilitation. Ito ay may kabuuang haba na 8.7 kilometro na nasasakupan ng walong (8) barangay sa siyudad ng Biñan, kasama ang Barangay Malaban.

Ang International Coastal Clean-Up o ICC ay ipinagdiriwang tuwing ikatlong Sabado ng buwan ng Setyembre, na pinagtibay ng Presidential Proclamation No. 470 na nilagdaan taong 2003 ni dating Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo. Ang ICC ay isang global initiative simula pa noong 1986 ng isang non-government organization na tinatawag na The Ocean Conservancy (TOC) na nakabase sa Washington D.C., USA.