Inihahanda ngayon ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Tayabas City sa pamamagitan ng Conservation and Development Section (CDS) nito ang isang Memorandum of Agreement (MOA) patungkol sa Marine Protected Area Network (MPAN) ng Tayabas Bay sa bahagi ng Quezon Province.

Naglalayong mapaigting ng kasunduang ito ang pakikipag-ugnayan at suporta mula sa mga napapaloob na coastal municipalities, concerned agencies, law enforcement agencies, academe, private corporations at non-government organizations para sa pagpapanatili at epektibong konserbasyon, proteksyon, pagpapaunlad, at pamamahala ng coastal and marine resources sa Tayabas Bay. Ninanais rin nito na mai-update ang kalagayan ng mga existing Marine Protected Areas (MPAs at fish sanctuaries sa nasabing karagatan. 

Kabilang sa mga nakatakdang lumagda sa nasabing kasunduan sa probinsya ng Quezon ang mga nakakasakop na bayan sa Tayabas Bay, ang Sariaya, Lucena City, Pagbilao, Padre Burgos, Agdangan, Unisan, Pitogo, Macalelon, General Luna, Catanauan, Mulanay at San Francisco. Kasama rin dito ang mga ahensiyang Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Region IV-CALABARZON, Quezon Philippine National Police (PNP), PNP Maritime Group, Philippine Coast Guard-Southern Tagalog, Southern Luzon State University, Team Energy Foundation Inc., Tambuyog Development Center Inc., Tanggol Kalikasan Inc., at Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ipinaliwanag ni Engr. Cyril A. Coliflores na siya ring CENR Officer ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng mga stakeholders upang malaman ang mga isyu at problemang kinakaharap ng mga nasabing bayan pagdating sa kanilang baybayin. Ayon din kay Coliflores, sila rin ang makatulong ng DENR upang makapagbigay impormasyon sa mga komunidad na kanilang nasasakupan patungkol sa marine biodiversity ng Tayabas Bay

Ayon sa DENR Administrative Order (DAO) No. 2016-26 o “Guidelines for the Implementation of the Coastal and Marine Ecosystems Management Program (CMEMP), Section 7.1 Marine Protected Area (MPA) Network Establishment and Strengthening, ang proteksyon at pagpapanumbalik ng mga nasirang tirahan sa baybayin at dagat ay mahalaga para sa ecological processes at kaligtasan ng mga buhay-ilang. 

Nakatakdang magsagawa ng MOA signing ang CENRO Tayabas sa sandaling matapos na suriin ng mga lalagda ang kasunduan at makumpleto ang Sangguniang Bayan (SB) Resolutions na nag-aawtorisa sa mga Local Chief Executive na lumagda rito.