Ipinagdiwang ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Tayabas City ang buwan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ngayong Agosto 2022, sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga pambansang kasuotan  na nagpapakita ng kakaibang kultura ng mga bansang miyembro nito, tuwing araw ng Lunes ng buwan.

Kinabibilangan ng bansang Pilipinas, kasama ang Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand at Vietnam ang ASEAN. Itinalaga ito noong ika-8 ng Agosto 1967 (Bangkok Declaration). 

Ang pagdiriwang na ito ay may kaugnayan sa Proklamasyon Blg. 282 petsang Hulyo 31, 2018 (Amending Proclamation No. 1008 (S. 1997) to declare the month of August of every year as “ASEAN Month”). Sa pamamagitan nito, kinikilala ng Pilipinas ang pangangailangang higit pang isulong at palawakin ang kamalayan ng mga tao patungkol sa ASEAN, at itanim sa isipan ng mga mamamayang Pilipino ang kahalagahan at kahulugan nito upang makamit at mapanatili ang kapayapaan at likas-kayang pag-unlad sa Timong-Silangang Asya.

Kaugnay nito, idineklara rin ng bansang Cambodia bilang chairman para sa taong 2022 ang temang “ASEAN A.C.T.: Addressing Challenges Together” na naglalayong paigtingin ang diwa ng pagkakaisa bilang isang komunidad at sama-samang tugunan at malampasan ang mga hamon na kinahaharap ng rehiyon. Ang taong 2022 ay idineklara rin bilang “Year of the ASEAN Youth” na naghihikayat, sa pamamagitan ng pangunguna ng mga kabataan sa Timog-Silangang Asya na palakasin ang panawagang may kinalaman sa pagpapaunlad ng komunidad.