CATANAUAN, QUEZON- Upang maging handa ang mga empleyado ng CENRO Catanauan, Quezon sa mga sakuna at pagbibigay kaalaman ukol sa mga paunang lunas, ang tanggapan ay nagsawa ng 1-day re-echo on Occupational Safety and Health and Disaster Risk Reduction Management.

Tinalakay ang iba’t-ibang mga paksa na may kinalaman sa paunang lunas sa mga sugat, kagat ng mga hayop, lagnat, at pagkahilo sa pangunguna ng Monitoring and Enforcement Section (MES). Ipinaliwanag ng mga Forest Rangers ng MES ang mga ito upang magamit ng mga empleyado sa mga sitwasyon na maaaring mangyari habang ang mga ito ay nasa kabundukan o gumagampan ng trabaho sa field.

Ang ikalawang paksa naman ay pinangunahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) kung saan tinalakay naman ang Fire Prevention and Safety Tips and Forest Fire Management na kung saan ay ipinaliwanag nina Fire Officer 1 Carl Anthony Etreros at Fire Officer 3 Vincent Paul Orgas ang mga dapat gawin at tamang pag-apula ng apoy sa mga insidente ng sunog sa kagubatan at ganon rin naman ang mga hakbang na dapat gawin sa mga LPG upang matiyak na ang mga ito ay ligtas na gamitin at maiwasan ang pagsabog nito. Gayundin naman, tinalakay din ni Fire Officer 1 Jerico Noblezala ang iba’t-ibang gamit ng fire extinguisher at tamang paggamit nito sa oras ng sunog.

Ipinahayag ng mga kalahok ang kanilang mga naging kaalaman sa nasabing aktibidad at pinasalamatan nila ang CENRO Catanauan sa pagkakaroon ng ganitong klase ng mga gawain at aktibidad na maaaring maggamit ng lahat ng empleyado sa oras ng mga aksidente at sakuna. Nagtapos ang programa sa pamamagitan ng pamamahagi ng sertipiko ng pagpapahalaga sa mga naging  tagapagsalita at tagapagbahagi ng kanilang kaalaman sa mga tinalakay na paksa na pinangunahan ni EMS II at OSH Focal Person Lilibeth P. Loren. ###