Mahigit 400 bakawan ang itinanim sa Brgy. Lagadlarin, Lobo, Batangas kaugnay ng selebrasyon ng Philippine Environment Month na ipinagdiriwang tuwing buwan ng Hunyo. Isinagawa ang sabayang pagtatanim sa pangunguna ng DENR CENRO Lipa sa pakikipag-ugnayan sa Lokal na Pamahalaan ng Lobo, Batangas at Barangay Lagadlarin, at aktibong partisipasyon ng mga kasapi ng People’s Organization (PO) ng Samahan ng Maliliit na Mangingisda sa Pangangalaga ng Kalikasan sa Barangay Lagadalarin (SMMPKBL). Ang sama-samang pagtatanim ay dinaluhan din ng mga miyembro ng Philippine National Police – Regional Mobile Force (PNP-RMF), at ng nasabing komunidad.

Pinangunahan ni OIC-CENR Officer Allan Willard Estillore ang aktibidad, kung saan binigyan-diin niya ang kahalagahan ng aktibo at tuloy-tuloy na pagkilos ng buong pamayanan, kasama ang lahat ng sektor upang makamit ang mga adhikain ng ganitong mga gawain para sa kalikasan. Nagbahagi din ng kaalaman sa pamamagitan ng maikling lektyur si Senior EMS Josefa Lozada tungkol sa kahalagahan ng pagdiriwang ng Philippine Environment Month at tungkol sa malaking tulong ng pagtatanim sa carbon sequestration at soil stabilization. Ipinabatid din ang iba pang selebrasyon na ginugunita ngayong buwan tulad ng World Oceans Day, Coral Triangle Initiative Day, Philippine Eagle Week, Philippine Arbor Day, at ika-35 na anibersaryo ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas Yaman.   

Ang pagtatanim at pangangalaga ng mga punla ay malaking tulong sa pagpapanatili ng ating mga kapalagiran at ng pangkabuong klima ng mundo. Pinagbibigay alam na lahat ng alituntunin hinggil sa pagiingat at pagpapanatili ng kaligtasan laban sa banta ng COVID19 ay maayos na nasunod sa pagsasagawa ng nasabing gawain. ###