Print

Bilang paggunita sa selebrasyon ng Philippine Environment Month at National Arbor Day, ang PENRO Laguna sa pamumuno ni PENRO Eriberto B. Saños at In-Charge Binan Satellite Office – Ronaldo V. Rozaldo, ay nakilahok sa mga tree planting activities na isinagawa sa pangunguna ng City Environment and Natural Resources Offices ng mga lungsod ng Sta. Rosa at Biñan.

Personal na dinaluhan ni PENRO Sanos ang tree planting activity na ginanap sa Brgy. Aplaya, Sta. Rosa City, Laguna na naisakatuparan sa pangunguna ni CENRO Maria Amor Salandanan at Kapitan Fe Beato Villanueva ng Barangay Aplaya. Tinatayang 500 seedlings ng mga Kawayan (Bayog) ang naitanim sa may baybay lawa ng Barangay Aplaya. Kabilang sa mga nagtanim ay ang PNP Sta. Rosa, BJMP Sta. Rosa, Green Army, mga pribadong kumpanya, mga lokal na opisyal, at maging residente ng Barangay Aplaya. Ang lugar na pinagtaniman ay naka-planong gawing isang ecotourism area.

“Kaya mga kapatid, halina’t magtanim, mga punongkahoy ating paramihin. Munti mang halaman, ating kalingain, ating kapaligiran, ating pagyamanin, buhay at ikabubuhay ating tamasahin.” ani PENRO Sanos sa kanyang mensahe na idinaan niya sa isang makathang tula.

Sa Barangay Dela Paz, Biñan City naman isinagawa ang tree planting ng Biñan na pinangunahan ni CENRO Rodelio V. Lee na nilahukan din iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pribadong kumpanya tulad ng TDK Philippines Corporation. Humigit-kumulang 200 seedlings o punla ng mga fruit-bearing trees tulad ng guyabano ang naitanim. Bukod sa tree planting ay naka-plano ring magsagawa ng sabayang clean-up activities ang lahat ng mga barangay sa lungsod kaugnay pa rin ng selebrasyon ng Philippine Environment Month at National Arbor Day.