Print

Sta. Cruz, Laguna – Isinagawa ang ikalawang pagpupulong ng Provincial Multi-Sectoral Forest Protection Committee (PMFPC) upang pinal na suriin at lagdaan ang Laguna Provincial Anti-Illegal Logging/Timber Poaching Task Force (PAILTF) Resolusyon Blg. 1, series of 2022 sa GO Conference Hall, Provincial Capitol, Sta. Cruz, Laguna.

Ang nasabing Resolusyon ay siyang muling bubuhay at magpapalawak ng PAILTF na siyang kabibilangan ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan kasama ang DILG Laguna, Laguna Police Provincial Office, 202nd Unifier Brigade Philippine Army, PG-ENRO Laguna, National Power Corporation (NPC), Makiling Center for Mountain Ecosystems (MCME), UP Land Grant Management Office, at Philippine Information Agency. Ang nasabing task force ay pamumunuan ng PENRO Laguna bilang Chairman at ng DILG Laguna bilang Vice-Chairman.

Layunin ng nasabing Task Force na paigtingin ang laban kontra iligal na pagpuputol ng mga kahoy at timber poaching na siyang nagdudulot ng negatibong epekto sa mga kagubatan, partikular sa probinsya ng Laguna. Layunin din nitong pag-isahin at pagtibayin ang pagsasakatuparan ng mga polisiya at batas pangkalikasan ng iba’t ibang sangay ng gobyerno na naatasan ng mga mandatong ito.

Kabilang sa mga importanteng personalidad na lumahok sa nasabing paglagda ay si Provincial Director Engr. John M. Cerezo ng DILG Laguna. Kinatawan naman ni Technical Services Division Chief Divina A. Villaluz ang PENRO Laguna. Dumalo rin ang mga kinatawan mula sa National Power Corporation (NPC) – Caliraya-Lumot Watershed Area Team, Makiling Center for Mountain Ecosystems (MCME), NPC Makiling-Banahaw Watershed Area Team, UPLB Land Grant Management Office (UPLB-LGMO), PG-ENRO Laguna, at Philippine Information Agency (PIA) CALABARZON. ###