Ngayong taon, itinakda ang pagbabalangkas ng Forest Land Use Plan (FLUP) para sa bayan ng Mabitac, Laguna. Nilalayon nito na makabuo at magkaroon ng tamang rekomendasyon para sa tamang pamamahala ng kagubatan at likas na yaman ng nasabing bayan. Dagdag pa rito, magsasagawa din ng mga hakbangin upang matukoy ang mga problema, isyu at posibleng banta sa kagubatan, likas-yaman at samu’t saring buhay rito. 

Ilan sa nabanggit na mga hakbangin ang pagsasagawa ng isang Information, Education, and Communication (IEC) Campaign at pagsusuri ng mga bagay na hindi lamang maaring magdulot ng pagkasira ng kagubatan kung hindi pati na rin ang mga bagay na magbibigay oportunidad at magpapalakas sa patuloy na pagprotekta at pagpapaunlad ng mga ito.

Ngayong Mayo, nilagdaan ang isang kasunduan sa pagitan ng DENR at Pamahalaang Bayan ng Mabitac, Laguna para sa pagbabalangkas ng plano na naayon sa pinaka-akmang pamamaraan ng paggamit ng kagubatan at magkaroon ng pagbalanse sa mga aktibidad na may kinalaman sa forest production na may kasamang proteksyon at pagpapanatili ng samu’t saring buhay na naninirahan dito.

Ani ABC Chairman Emiliano Cabago, “dapat hindi lamang pangarap ito, dapat tayo ay mayroon sinseridad na maisakatuparan at matugunan ng pansin at alagaan ang ating kapaligiran at likas na yaman”.

Ayon kay Forester Melvin Lalican, Chief ng Conservation and Development Section (CDS), ang pagbabalangkas ng FLUP para sa bayan ng Mabitac ay mahalaga upang maisaayos ang kagubatan at maitama ang paggamit nito hindi lamang sa kasalukuyang mamayan ng Mabitac, kung hindi pati na rin sa mga susunod pang henerasyon”.

Patuloy na makikipag-ugnayan ang CENRO Sta. Cruz sa bayan ng Mabitac para sa pagsasagawa ng mga susunod na aktibidad upang mapag tibay at maipatupad ang nasabing plano. Ang Pamahalaang Bayan ng Mabitac ay nangako ng 101% na suporta at partisipasyon para maisakatuparan ito.

Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan nina Forester Melvin Lalican ng PENRO Laguna, Forester Elisa Apolinario De Vera ng CENRO Sta. Cruz at ang Pamahalaang Bayan ng Mabitac sa pangunguna nina, Mayor Ronal Sana, Vice Mayor Angelito Valderrama Sr., at ABC Chairman Emiliano Cabago.###