Pinangunahan ni Regional Executive Director Nilo B. Tamoria at Hon. Freddie C. Aman kasama sina Real CENR Officer Oliver O. Olivo at mga opisyales sa Lokal na Pamahalaan ng Bayan ng Burdeos sa lalawigan ng Quezon ang pagpirma sa Memorandum of Agreement (MOA) hinggil sa implementasyon ng Forest Land Use Plan (FLUP).

Ayon kay RED Tamoria, “ang Forest Land Use Plan ay isang mahalagang bahagi na hindi dapat nakakalimutan ng lokal na pamahalaan dahil isa itong panimula sa pagsasagawa ng development plan – Ridge to Reef Approach sa Comprehensive Land Use Plan ng isang bayan”. Dagdag pa niya na hindi iiwan ng DENR ang bayan ng Burdeos hanggang matapos ang pagsasagawa ng plano sapagkat mas magiging makabuluhan ang plano kung ito ay maisasakatuparan. 

“Partnership” ang isa sa pinakamahalagang estratehiya na ipinaliwanag ni CENRO Oliver O. Olivo. Ang pagpapatupad ng nasabing kasunduan ay ang pagkakaroon ng magandang plano at isakatuparan ito upang mapalawig ang isang maayos na pangangalaga, pagkonserba, pagprotekta, pamamahala at pagpapaunlad ng kagubatan at pagkakaroon ng mga batas pangkalikasan na aangkop patungkol dito.

Layunin ng kasunduan na ito na ang Lokal na Pamahalaan at Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman ay magkaroon ng magandang relasyon pagdating sa pangangalaga ng likas na yaman sa lugar. Isa din sa isinasaalang-alang sa plano ang kabuhayan, kalagayan ng mga mamamayan, at ang kalagayan ng kalikasan para sa angkop at tuloy-tuloy na paggamit nito. Kaakibat din nito ang mga batas pangkalikasan na maaaring isagawa upang magkaroon ng matibay na pamamahala sa yamang nakapaloob dito. ###