Pakil, Laguna – Nilagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DENR CALABARZON at lokal na pamahalaan ng Pakil, Laguna para sa joint formulation ng kanilang Forest Land Use Plan (FLUP) sa Sangguniang Bayan Hall, Pakil, Laguna noong 19 Abril 2022.

Nagkaroon ng maikling programa kung saan tinalakay ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang FLUP para sa tinatayang 883.74 ektaryang forestland ng bayan ng Pakil. Ang nasabing MOA signing ceremony ay dinaluhan nina Municipal Councilor Kevin M. Reyes; Municipal Local Government Operations Officer (MLGOO) Florabel M. Ingel; Municipal Environment and Natural Resources Officer (MENRO) Arnel A. Iglesia; Municipal Planning and Development Coordinator (MPDC) Francis R. Hidalgo at Municipal Engineer Rodeo Vito.

Ito ay personal ring dinaluhan nina Assistant Regional Director for Technical Services (ARDTS) Alfredo C. Palencia, PENRO Eriberto B. Saños at OIC-CENRO Venerando U. Garcia.

Layunin ng FLUP na maproteksyunan ang mga forestlands ng Pakil, higit lalo ang mga tinatawag na mga open access areas upang ang mga ito ay magamit at mapakinabangan sa pinaka-angkop at wastong gamit nito. Ang FLUP ay ang siyang magiging gabay ng lokal na pamahalaan ng Pakil at ng DENR upang mapanatili at maproteksyunan ang kabundukan.

Ani ARDTS Palencia sa kanyang mensahe ay mahalagang mapagtuunan ng pansin din ang mga upland areas tulad ng mga kabundukan sapagkat ito ay kaugnay at maaring maka-apekto sa mga lowland areas. Ayon pa kay ARDTS Palencia, kinakailangan ang maigting na pakikipag-ugnayan at pagtutulungan sa pagitan ng DENR at lokal na pamahalaan upang makapagbalangkas ng maayos na plano para sa mga forestlands o kabundukan.

Positibo naman ang pagtugon ni MLGOO Florabel M. Ingel na siyang kinatawan ni Mayor Vincent L. Soriano. Aniya ni MLGOO Ingel, lubos ang pasasalamat ng bayan ng Pakil dahil sa assistance o tulong na ibinibigay ng DENR upang mapangalagaan ang kanilang mga kabundukan. Giit niya, ay maasahan ng DENR ang suporta at pakikipagtulungan ng local na pamahalaan upang makabuo ng isang epektibong FLUP.

Ang nilagdaang MOA ay sumisimbolo sa pinagtibay na ugnayan at partnership sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng Pakil at ng DENR CALABARZON tungo sa iisang layunin na mapangalagaan at mapanatili ang mga forestlands ng Pakil, Laguna.