Sa pagpasa ng Republic Act No. 11573 noong ika-16 ng Hulyo 2021, ang pagpapatilulo ng lupang agrikultural ay mas lalong pinadali. Sa nasabing batas ay tinanggal na ang mga restriksiyon tulad ng takdang panahon o deadline sa mga Agricultural Free Patent Applications. Pinaikli na rin ang kinakailangang panahon ng pagmamay-ari para sa kumpirmasyon ng mga imperfect titles mula sa 20 na taon.

At nitong ika-9 ng Disyembre 2021, nilagdaan ni DENR Secretary Roy A. Cimatu ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RA No. 11573 sa bisa ng DENR Administrative Order (DAO) No. 2021-38. Ito ay magandang balita para sa mga kababayan nating may-ari ng lupaing agrikultural kung saan ang CENRO Sta. Cruz ay tumatanggap na ng Agricultural Free Patent Application simula ika-1 ng Enero 2022.

Ngayon taon, ang CENRO Sta. Cruz ay naglalayong makapagproseso ng 125 na lupaing agrikultural mula sa ika-3 at ika-4 na Distrito ng Laguna. Upang mapadali ang pagtanggap ng mga aplikasyon, ang tanggapan ng CENRO Sta. Cruz ay nagtalaga ng kanilang mga Land Management Inspector (LMI) sa iba’t ibang bayang sakop nito tuwing Martes hanggang Huwebes upang makapagbigay gabay at tulong para sa mga taong gustong makapagpatitulo.

Bukod rito ay patuloy din ang pagtanggap at pangangalap ng CENRO Sta. Cruz ng mga lupaing residensyal na naglalayong makapagproseso ng 120 na aplikasyon. Kaya naman hinihikayat ang mga kwalipikadong indibidwal na sinuman ang nagnanais na mapatituluhan ang kanilang lupaing agrikultural o residensyal ay maaring magsadya sa tanggapan ng CENRO Sta. Cruz na matatagpuan sa Sitio Maunawain, Brgy. Duhat, Sta. Cruz, Laguna o di kaya tumawag sa kanilang telepono para sa mga katanungan patungkol sa mga kinakailangan requirements hinggil sa pagpapatitulo ng mga lupain.