Print
Bilang pagbibigay ng pagkilala sa mga inisyatibo ng kabataan sa mga gawaing pangkalikasan, ang DENR CENRO Calaca sa pangunguna ni OIC- CENRO Isagani Amatorio ay naggawad ng sertipiko sa mga miyembro ng Youth for Environment in Schools Organization (YES-O) ng Calaca Senior High School sa pangunguna ni binibining Katrine Caag na nagbahagi ng kanilang kaalaman sa pagprotekta sa kalikasan.
 
Noong Setyember 3, 2021 ay naging panauhing tagapagsalita sa programa sa radyo ng DENR CALABARZON na “Talakayang Kalikasan” si Binibining Katrine Caag, Guro II at Tagapayo ng YES-O Calaca Senior High School kung saan kanyang tinalakay ang mga inisyatibo ng akademya upang suportahan ang mga mandato ng DENR. “Knowledge and skills alone are not enough, attitude and values are also important” pahayag niya sa paniniwalang bilang guro, ay dapat magsimula sa kanilang mga sarili ang mga asal na nais nilang maituro at maipasa sa kanilang mga estudyante.
 
Ito ay sinundan ng isa pang episode ng “Talakayang Kalikasan” noong Oktubre 15, 2021 kung saan naging panauhing tagapagsalita ang estyudanteng si Ginoong Adrian Comia, Pangalawang Pangulo ng YES-O Calaca Senior High School at Committee Chairperson ng Environmental Protection ng Calaca Youth Development Council ng Munisipalidad ng Calaca, Batangas. Sa programang ito ay kanyang tinalakay ang iba’t ibang inisyatibo ng mga kabataan laban sa banta ng global warming at climate change bilang selebrasyon sa International Day of Climate Action ngayong taong 2021. Bilang kabataan ay naniniwala siya sa “Lead by Example” na sa pamamagitan ng pagiging mabuting ehemplo sa kanyang kapwa kabataan ay magiging inspirasyon nila ito upang gayahin ang kanyang mga mabubuting ginagawa.
 
Bukod sa sertipiko ay binigyan din sila ng mga IEC materials na maari nilang pagkunan ng mga datos at impormasyon na maari nilang magamit sa kanilang mga aktibidad.
 
Ang DENR CENRO Calaca ay patuloy sumusuporta at humihikayat sa mga kabataan upang makiisa sa mga gawaing pangkalikasan at magbahagi ng kaalaman at kasanayan sa kanilang mga kapwa kabataan. ###