Ang DENR CENRO Sta. Cruz katuwang ang PENRO Laguna ay nagsagawa ng dalawang instalasyon ng exhibit sa kung saan itinampok ang isa sa mga priority programs na “Battle for Manila Bay” Pamahalaang Bayan ng Pangil, Laguna at sa Municipal Hall ng Los Baños, Laguna. 

Simula noong inumpisahan ang Manila Bay Rehabilitation noong January 2019 alinsunod sa direktiba ni President Rodrigo Roa Duterte ay nakapagsagawa na ng iba’t ibang aktibidad ang PENRO Laguna at CENRO Sta. Cruz ukol sa rehabilitasyon ng mga tributaryong dumadaloy sa Laguna Lake patungong Manila Bay. 

Sa pangunguna ng kanilang Manila Bay Site Coordinating and Management Office (MBSCMO) ay tuloy-tuloy ang pagsasagawa ng clean-up activities; pagtanggal ng mga water hyacinths na sanhi ng pagbabara sa agos ng tubig papuntang lawa; at Communication, Education & Public Awareness (CEPA) activities upang mamulat ang publiko sa pagpapanatili ng kalinisan at pangangalaga sa mga katubigan.  Dagdag pa rito ang regular na pagsasagawa ng water sampling at technical working group meetings, paglagda sa Memorandum of Agreement katuwang ang iba’t ibang bayan ng Laguna, instalasyon ng trash traps at mga signages, at ang patuloy na pakikipag ugnayan ng ahensya sa komunidad malapit sa mga katubigan.

Sa pamamagitan ng mga Audio Visual Presentations, ipinagmalaki ng PENRO Laguna at CENRO Sta. Cruz ang mga natatangi nitong mga inisyatiba upang mapagyabong at patuloy na maprotektahan ang mga natitirang likas na yaman ng lalawigan ng Laguna.

Ipinamalas din sa naturang exhibit ang ipinagmamalaking yaman ng nasabing bayan, ang Ilog Pangil kung saan makikitang bumisita si DENR Secretary Roy A. Cimatu at hayagang ipinakita sa publiko ang pag-inom ng tubig mula sa ilog na tinaguriang isa sa pinakamalinis na ilog sa buong Pilipinas.

Bukod dito, ay ipinakita rin ang iba’t ibang pangunahing gawain, serbisyo publiko at programa ng CENRO Sta. Cruz tulad ng pagpapatitulo ng lupa; pagkuha ng iba’t ibang uri ng permits; mga enforcement and monitoring activities; at pagkonserba, pagprotekta at pagpapaunlad sa mga natitirang likas yaman ng bansa. Upang magabayan ang publiko ay namigay din ng mga posters, flyers, checklist of requirements para sa mga frontline services.

Samantala, kasabay ng exhibit ay namigay din ng libreng mga punla ang CENRO Sta. Cruz sa kanilang “Community PlanTree: Kumuha ng Kayang Alagaan, at Magtanim para sa Kalikasan”. Umabot ng 800 na mga punla ang naipamigay na kinabibilangan ng 200 Pterocarpus indicus (Narra), 150 Vitex parviflora (Molave), 200 Annona muricata (Guyabano) at 150 Terminalia microcarpa (Kalumpit).

Personal na nilahukan rin ni Laguna PENRO Ronilo L. Salac at OIC-Chief, Management Services Division Annabelle M. Barquilla ang nasabing exhibit.

Lubos na nagalak ang Lokal na Pamahalaan ng Pangil at Los Baños dahil sa pagpili sa kanilang bayan upang pagdausan ng exhibit at maitampok ang ipinagmamalaking ganda at yaman ng kanilang bayan. ###