Print

Bilang pakiki-isa ng CENRO Sta. Cruz sa pagdiriwang ng World Migratory Bird Day 2021, ang Conservation and Development Section (CDS) ay nagsagawa ng Asian Waterbird Census sa siyam (9) na Waterbird Census sites sa mga bayan ng Pakil, San Pablo City, Pagsanjan, Calauan, Lumban at Siniloan.

22 species ng ibon ang namataan sa nasabing mga lugar na kung saan ang siyam (9) dito ay nakapaloob sa kategoryang migrant, sampu (10) naman ay resident, dalawa (2) ay resident at migrant, at ang isa (1) ay endemic.

Ang Migratory Bird Species na may pinakamaraming bilang na namataan at  matatagpuan sa Brgy. Masiit, Calauan, Laguna ay ang Whiskered Tern (Chlidonias hybridus) na kung saan ito ay may bilang na humigit kumulang na 399. Naitala naman sa Brgy. Burgos, Pakil, Laguna ang may pinakamaraming uri ng ibon na matatagpuan.

Ayon sa datos, noong nakaraang taon,  mayroong bilang na 1500 ng mga ibon ang natagpuan sa mga Waterbird Census sites. Ngayong taon, 24.6 %  ang nabawas sa dami ng mga ito na may kabuuang bilang na 1, 131. 

Ayon sa pagsusuri, bukod sa pabago-bagong klima, kawalan ng pinagkukunan ng mga pagkain at mga aktibidad  ng tao, ang labis na nakakaapekto sa pagbawas ng dami ng mga ito.

Nilalayon ng pagdiriwang na World Migratory Bird Day na itaas ang antas at kamalayan ng publiko at makiisa sa mga gawain na maaring makatulong sa pagprotekta at pangagalaga ng mga migratory birds. ###