Noong ika-8 Setyembre, 2021, ay nagpatawag ng isang pagpupulong si CENRO Vener Garcia sa mga miyembro ng CENRO Sta. Cruz Quick Response Team (QRT) patungkol  sa mga isasagawang aktibidad  na kaugnay ng pananalasa ng Bagyong Jolina.

Inililatag ni CENRO Garcia ang mga naiisip niyang inisyatibo upang mapadali ang linya ng komunikasyon ng CENRO Sta. Cruz at ang mga lokal na pamahalaan sa ika-3 at ika-4 na Distrito ng Laguna tuwing may sakuna. Nilalayon din nito na mapadaling maipaabot ang mga ipinatutupad na mga batas at polisiya ng DENR gayundin ang mga serbisyo publiko alinsunod sa mandato ng DENR. Isa rin itong pamamaraan upang mabilis na maipaabot ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang mga kinakaharap na mga suliranin patungkol sa pagprotekta ng kapaligiran at likas na yamaan.

Magkakaroon din ng karagdagang pag-uulat sa mga naapektuhang proyekto ng DENR tulad ng National Greening Program (NGP), Manila Bay Rehabilitation Program at iba pang kaugnay nito sa pamamagitan ng pagbisita ng mga kawani mula sa mga nabanggit na programa at pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na People’s Organization (POs) at lokal na pamahalaan.

Nahati ang CENRO Sta. Cruz QRT sa dalawang grupo na kung saan ang unang grupo, sa pangunguna ni CENRO Vener Garcia, ay tumulak sa ika-3 distrito ng Laguna upang makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at malaman ang mga pinsala ng Bagyong Jolina sa mga bayan at lungsod ng nasabing distrito.

Ang ikalawang grupo naman, sa pangunguna ni Team Leader Daniel Arthur ay nakipag-ugnayan sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDDRMO) - Laguna upang magkaroon ng karagdagang impormasyon patungkol sa mga pinsala ng Bagyong Jolina sa lalawigan ng Laguna. Tumulak din ang nasabing grupo sa ika-4 na distrito ng Laguna upang malaman din ang mga pinsala ng Bagyong Jolina sa mga bayan ng nasabing distrito.

Sa pangkalahatan, gaya ng mga nai-ulat sa mga balita, baha, pagtaas ng antas ng tubig sa mga kailugan at mga putol na sanga ng kahoy ang tumabad sa grupo. Mayroon ding naiulat na mga paglikas ng ilang residente sa mga nabanggit na distrito. Sa kabilang banda, wala naman naiulat na pagguho ng mga lupa. ###