Buong puso at tapang ang ginagamit na sandata ng ating mga Forest Rangers upang masugpo ang mga banta sa ating kagubatan at makapaglingkod ng higit pa sa kanilang buhay. Nakaatas sa kanila ang mabigat na tungkulin na maprotektahan at mapangalagaan ang mga kagubatan at likas na yaman ng bansa.

Isa sa mga ginagamit na stratehiya ng DENR upang patuloy na maprotektahan ang ating mga kagubatan ay ang LAWIN System. Nilalayon ng LAWIN System ang mga sumusunod: Una, mapataas ng dalawang porsyento (2%) o higit pa ang mga natitirang kagubatan ng bansa; Pangalawa,  sa pamamagitan ng mas pina-igting na pagprotekta sa ating mga kagubatan at pagsasagawa ng Information, Education,and Communication (IEC) Campaign, inaasahan na mababawasan ng limang porsyento (5%) ang mga insidente patungkol sa illegal na pagpuputol ng mga puno at pagkaka-ingin sa loob ng mga Forest Conservation Areas (FCAs)  sa susunod na limang (5) taon; Pangatlo, kasabay ng pagpapalakas ng koordinasyon sa mga Local Government Unit (LGUs) at pagpapatupad ng batas sa tamang pamamahala ng mga basura (RA 9003), ay inaasahan na mababawasan ng limang porsyento (5%) ang insidente ng pagtatapon ng mga basura sa mga sa loob ng mga FCAs sa susunod na limang (5) taon; at ikahuli ay mapantili ang kalidad ng mga katubigan sa loob ng mga FCAs sa susunod na limang (5) taon.

Ngayong taon, may kabuuang 420 ha na matatagpuan sa mga FCAs ng mga bayan ng Sta. Maria, Famy, Siniloan, at Pangil ang nakatakdang protektahan ng CENRO Sta. Cruz sa pamamagitan ng regular na pagpatrolya ng mga Forest Rangers nito. Sa pamamagitan ng ganitong gawain, maaring matukoy ang mga banta sa ating mga kagubatan at likas na yaman at mabigyan ng karampatang aksyon.

Ngayong Hulyo 31, 2021, ipinagdiriwang ang World Ranger Day. Kaya naman, ang CENRO Sta. Cruz sa pangunguna ni In-Charge, Office of the CENRO Bernardita C. Daliva at Chief, Enforcement and Monitoring Section Marilyn D. Aguilon, ay nagpupugay at nagpapasalamat hindi lamang sa mga Forest Rangers ng CENRO Sta. Cruz, gayundin sa lahat ng mga Forest Rangers sa ating mundo.

Padayon! Forest Rangers Jocelyn Aranca, Edgardo Cabailo, Roberto Duran, Marvin Magana, Elmer Malong, Lito Mercado, Rogel Mercado, Benigno Talabucon at Marilou Valdenarro.