Print

Alinsunod sa ipinag-uutos ni DENR Secretary Roy A. Cimatu na bisitahin at alamin ang estado ng bawat tributaryo ng iba’t ibang anyong tubig na dumadaloy patungong Manila Bay, ang CENRO Sta. Cruz sa pangunguna nina In-charge, Office of the CENRO Bernardita C. Daliva  at EMS II Josefina De Ocampo ay nagsagawa ng pakikipag-ugnayan sa mga iba’t ibang Lokal na Pamahalaan ng Sta. Maria, Mabitac, Siniloan at Famy. Nilalayon ng pagbisitang ito ang pagtukoy sa mga ilog na prayoridad linisin sa kasalukuyang taon katuwang ang mga Lokal na Pamahalaan sa paglilinis, pangangalaga at pagprotekta ng mga ilog.

Kabilang sa mga ilog na binisita ay ang Ilog ng Sta Maria at Ilog ng Romelo. Ang Ilog ng Sta Maria ay dumadaloy patungo sa bayan ng Sta. Maria at Mabitac, Laguna. Ito ay may habang 22.8 kilometro at base sa kasalukuyan datos, ito ay may coliform count na 6,146 mpn/ml sa may bandang Sta. Maria, Upstream Section, samantalang may coliform count naman na 35,196 mpn/ml sa Mabitac Section, Downstream.

Samantala, ang Ilog ng Romelo na prayoridad linisin sa kasalukuyan ay sakop ng mga bayan ng Siniloan at Famy, Laguna. Ito ay may habang 19.4 kilometro at nangunguna sa bilang ng may mataas na coliform count sa ika-3 at ika-4 na Distrito ng Laguna at nagtataglay ng coliform count na 222,811 sa bahagi ng Siniloan, Downstream Section. Sa ika-3 ng Agosto ay nakatakdang bisitahin ang bahagi ng Famy, Upstream upang matukoy ang kalidad at estado ng nasabing bahagi ng ilog.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagsasagawa ng mga gawain sa paglilinis ng Ilog ng Romelo. Katuwang and dalawampung (20) hired na River Rangers at sa pakikipagtulungan ng Lokal na Pamahalaan ng Siniloan ay mapagtatagumpayan na maibalik ng unti-unti ang kalidad at kalinisan ng nasabing ilog.

Kaya nananawagan ang CENRO Sta. Cruz sa bawat isa na gawin ang ating parte para matulungang maprotektahan, mapangalagaan at mapaunlad ang ating natitirang kapaligiran at likas-yaman.

Ikaw, Ako, Tayo ang Kalikasan!