Ang dating Pangulong Corazon C. Aquino ang nagdeklara na ang buwan ng Hunyo ay ang “Philippine Environment Month” sa bisa ng Proklamasyon No. 237 na may petsang ika-4 ng Abril taong 1988. Nilalayon nito na makapagbigay ang bawat isa ng kanilang oras at pagsisikap tungo sa pagprotekta, pagpapahusay at pagpapaunlad ng kapaligiran at likas na yaman ng ating bansa.

Bilang pakikiisa sa nasabing pagdiriwang, ang CENRO Sta. Cruz katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Siniloan, ay nagsagawa ng Clean-up at Tree Planting Activity sa bayan ng Siniloan noong ika-18 ng Hunyo 2021.

Una, nakapagtanim ng 300 punla ng Molave (Vitex parviflora) at Narra (Pterocarpus indicus forma indicus) ang mga kawani ng CENRO Sta. Cruz, Lokal na Pamahalaan ng Siniloan, at Striking Force-Siniloan sa CY 2015 National Greening Program (NGP) 50 ha. Indigenous Plantation na matatagpuan sa Brgy. Magsaysay, Siniloan, Laguna. Ang nasabing NGP site din ang isa sa mga inisyatibo ng CENRO Sta. Cruz na mapataas ang survival rate sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga maintenance and protection activities tulad ng pagrereplanting, pag-aapply ng mga abono, paglalagay ng tulos, at pag-gagamas.

Sa katunayan, simula noong Nobyembre 2020, may kabuuang 3,587 na punla na ng mga indigenous na mga puno ang naitanim sa nasabing NGP site at kabuuang 2.10 ha naman ang sukat na nataniman. Nilahukan ito ng 374 na participants mula sa Lokal na Pamahalaan ng Siniloan, MENRO Siniloan, Miyembro ng mga 4Ps sa Siniloan, Sangguniang Kabataan (SK) Siniloan, PNP Laguna, PGENRO Laguna, Malvar Transport Cooperative, Gamma Epsilon Fraternity, at mga kawani ng DENR CALABARZON, PENRO Laguna, at CENRO Sta. Cruz.

Pangalawa, kasabay ng Tree Planting Activity, ay nagsagawa din ng isang Clean-up Activity sa Romelo River sa Brgy. Wawa, Siniloan, Laguna. 25 na sako o 104 kilo ng basura ( 21kg- nabubulok, 76kg di-nabubulok, at 7kg residwal) ang nakolekta sa nasabing aktibidad.

Ang ilog ng Romelo ay nangunguna sa bilang ng Coliform sa ika-3 at ika-4 na distrito ng Laguna. Kaya naman ang ilog na ito ang itinakdang linisin ng MBSCMO Laguna para sa patuloy na rehabilitasyon ng Manila Bay ngayong taon.

Tara, Halina’t, Sumama ka na, Protektahan at Alagaan natin ang Inang Kalikasan, Kasama ninyo ang DENR CENRO Sta. Cruz