Print

Bilang pakikiisa sa patuloy na rehabilitasyon ng Manila Bay, ang Manila Bay Site Coordinating Management Office (MBSCO) ng Laguna ay patuloy sa mga gawain para nasabing programa.

Ngayong taon, nakatakdang irehabilita ang Ilog Romelo sa bayan ng Siniloan. Ang nasbing ilog ay may habang 19.4 kilometro na matatagpuan sa mga Barangay ng Macatad, Halayhayin, Buhay, Padre Burgos, Mendiola, Bagumbarangay, Jose Rizal, Bagong Pag-asa, PandeƱo, General Luna at Wawa. Isa ang Ilog Romelo na direktang dumadaloy patungo sa Lawa ng Laguna na dumadaloy naman patungong Manila Bay sa pamamagitan ng Ilog Pasig.

Napili ang nasabing ilog sapagkat ito ang nangunguna sa may pinakamataas na coliform count sa ika-tatlo at ika-apat na distrito ng Laguna. Batay sa ulat ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) noong 3rd quarter ng 2018, ang Ilog Romelo ay may coliform count na umaabot sa 222,811 mpn/100ml.

Ilan sa mga nakalinyang aktibidad ngayong taon ay ang patuloy na pagsasagawa ng monthly water quality sampling upang mamonitor ang kalidad ng tubig. Samantala, noong ika-12 ng Abril ay nagsimula ng maghire ng dalawampung (20) River Rangers at isinagawa ang oryentasyon para sa kanilang magiging tungkulin upang mapangalagaan ang nasabing ilog. Magsasagawa din ng Community Lectures o CEPA tungkol sa Solid and Liquid Waste Management sa mga komunidad na nakatira malapit sa ilog upang mapataas ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng wastong pamamahala at paghihiwalay ng basura para maiwasan nila ang pagtatapon ng basura sa ilog; pagtatayo ng trash traps para maharang ang mga basura at hindi na dumaloy pa papuntang lawa ng Laguna; pagtatayo ng informative billboards sa mga matataong lugar; pagkakaroon ng clean-up drives at magtatag ng Ecogarden at composting facility.

Bukod sa Ilog Romelo ay nakatakda ring linisin ang Ilog San Juan sa Calamba at Ilog Cabuyao sa Lungsod ng Cabuyao.

Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Earth Day, ang CENRO Sta. Cruz ay nakatakdang magsagawa ng isang clean-up activity katuwang ang lokal na pamahalaan ng Siniloan at mga River Rangers sa darating na Biyernes, Abril 23, 2021. Ito ay isang paraan upang patuloy na maprotektahan, mapangalagaan at mapaunlad ang ating natitirang kapaligiran at likas-yaman.

Hangad ng CENRO Sta. Cruz na mapagtagumpayan ang lahat ng mga ilulunsad na aktibidad para sa Manila Bay Rehabilitation Program. Sa pamamagitan ng matibay na ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, komunidad at iba pang organisasyon ay makakamit ang mga adhikain sa patuloy na pagprotekta at pangangalaga ng kapaligiran para sa susunod na henerasyon.