Print

Guinayangan, QUEZON — Sa patuloy na pakikipag-ugnayan ng tanggapan ng DENR-CENRO Calauag sa mga bayang nasasakupan nito sa ika-4 na distrito ng Quezon, sa pamamagitan ni CENR Officer Joselito D. Barros, ay kasunod na binisita nito ang pamahalaang bayan ng Guinayangan noong ika-2 ng Marso 2021.

Kagaya ng mga nauna niyang pagbisita sa ibang mga bayan, tinalakay niya kina Mayor Cesar Isaac III at Vice-Mayor Norman Dublois ang mga programa at proyekto ng DENR.

Kabilang na rito ang malawakang pagsasagawa ng “tree planting and growing” sa bawat bayan upang matulungang madagdagan ang kapal ng ating kagubatan.

Tinalakay rin niya na ang mga natapos nang proyekto sa ilalim ng National Greening Program (NGP) at ang mga punong plantasyon nito, ay maaaring ipagpatuloy at suportahan ng pamahalaang lokal ng Guinayangan.

Dagdag niya, ito ay isang malaking ambag upang mapanumbalik ang sigla at patuloy na payabungin ang ating kagubatan.

Sa usapin naman ng pagpapatitulo, sinabi ni CENRO Barros na ang CENRO Calauag ay magbibigay ng listahan ng mga kinakailangang papeles at dokumento sa munisipyo ng Guinayangan. Ito ay upang mai-giya ang mga tao sa mabilis na pagpoproseso ng mga titulo.

Lubos naman ang pasasalamat ng pamahalaang bayan ng Guinayangan sa bukas-palad na pag-agapay ng CENRO Calauag sa mga gawaing makatutulong sa pangangalaga at pagpapa-unlad ng kagubatan sa kanilang nasasakupan.

Pagkatapos nito ay nagtungo naman sina CENRO Barros kasama si SEMS/CDS Chief Pedrito I. Deapera at iba pang empleyado ng CENRO Calauag sa Mangrove Boardwalk Trail na bagong eco-tourism site sa bayan ng Guinayangan.