Isang kasunduan ang nilagdaan sa pagitan ng Department of Environment and Natural Resources CALABARZON at ZAMA Precision Industry Manufacturing Philippines Inc. ngayong ika-5 ng Pebrero, 2021, na ginanap sa opisina ng DENR sa Brgy. Mayapa, Calamba, Laguna.

Ang kasunduang ito sa ilalim ng platapormang “Tayo and Kalikasan” ay pinangunahan ng Regional Executive Director ng DENR CALABARZON na si Nonito M. Tamayo at ng Bise-presidente ng ZAMA Precision Industry Manufacturing Philippines Inc. na si Ronald Wienholts. Ito ay naglalayong makapagtanim sa limang ektaryang plantasyon ng mangrove na matatagpuan sa Brgy. Onse, Nasugbu, Batangas na isang graduated National Greening Program site na nakapaloob sa jurisdiksyon ng DENR-CENRO Calaca.

“Why are we here today? For the mangroves, for the adoption and planting, that’s about giving back... a long-term commitment that will help in saving our planet for future” pahayag ni Mr. Wienholts, kung saan ginagawa raw nila ito para sa kalikasan, sa kanilang mga empleyado at sa lokal na komunidad upang mabigyan ang mga ito ng maganda at maayos na buhay.

Ang programang “Tayo ang Kalikasan” ay naglalayon ng panunumbalik, rehabilitasyon at pagunlad na humihikayat sa ibat-ibang mga grupo at indibidwal na makiisa sa pagprotekta at pangangalaga ng kalikasan sa pamamagitan ng pakikipagugnayan sa DENR sa mga aktibidad pangkalikasan kagaya ng pagtatanim ng mga puno.

“We hope this will just be the beginning, we will be very glad if you get back in the future for an additional area” panghihikayat ni RED Tamayo upang mas dumami pa ang inisyatibo sa pagpapalagong muli ng nasirang kagubatan.

Simula taong 2020, ang DENR-CENRO Calaca ay may nalagdaan ng walumpung (80) ektaryang NGP site na ipinagkasundong taniman ng ibat-ibang pribadong kumpanya.