Taon-taon, ipinagdiriwang tuwing ika-2 ng Pebrero ang “World Wetlands Day” na naglalayon na magtaguyod ng mas malawakang pagkamulat sa kahalagahan ng mga wetlands o latian at kung papaano mapangalagaan at maprotektahan ang mga ito.

Ngayong taon, ang World Wetlands Day ay may temang "Inseparable: Wetlands, Water and Life" na kung saan binibigyang diin ang importansya nito bilang isa sa mga pinagkukuhanan ng malinis at sariwang tubig. Hinihikayat din nito na maipanumbalik ang dating katayuan ng ating mga latian at matigil ang pagkawala ng mga ito sa ating mundo.

Bilang pakikiisa, ngayong araw, ang CENRO Sta. Cruz katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Siniloan, MENRO Siniloan at Bantay Lawa ng Siniloan, ay nagsagawa ng isang clean-up activity sa Romelo River sa Brgy. Wawa, Siniloan, Laguna. Ang 31 na kalahok ay nakakolekta ng 57 sako ng mga basura na may tinatayang bigat na 924 Kg.

Kasunod nito, nagbahagi din ng impormasyon si EMS I Astrud Micah Cabuscabus kung ano ang importansya ng nasabing pagdiriwang, kahalagaan ng mga latian, at mga paraan upang maiwasan ang pagkasira nito.

Natapos ang pagdiriwang sa isang paglalakbay patungo sa Lawa ng Laguna upang malaman ang mga posibleng aktibidad na magpapabuti sa katayuan ng nasabing ilog.