Print

Pinangunahan ng DENR CALABARZON ang selebrasyon ng “World Wetlands Day” sa pamamagitan ng paglilinis at pagtatanim ng bakawan sa ilog ng Lico sa Nasugbu, Batangas ngayong ika-2 ng Pebrero, 2021.

Ang nasabing aktibidades ay naglalayon na makapagbigay ng kaalaman sa importansya at tamang pangangalaga ng wetlands. Ito ay nilahukan ng mahigit 100 boluntaryo mula sa probinsyal at local na Pamahalaan ng Batangas sa pangunguna ni Vice Governor Mark Leviste at Mayor Antonio Barcelon; mga opisyal ng DENR sa pangunguna ni Regional Executive Director, Nonito Tamayo; PENR Officer ng Batangas, Noel Recillo; at CENR Officer ng Calaca, Isagani Amatorio; mga empleyado ng FastCat na isang pribadong kumpanya; PNP Maritime Group; mga residente ng Brgy. Wawa sa pangunguna ni Kapitan Vincent Atienza; at mga residente Brgy. Pantalan, Nasugbu, Batangas.

Ayon sa bise-gobernador Leviste, “Dahil sa pagtatanim ng mangroves at paglilinis ng ilog ay mas dadayuhin pa tayo ng mga buhay-ilang”, binanggit din niya ang mga possibleng benepisyo ng lugar na ito sa larangan ng turismo.

Binanggit naman ni RED Tamayo ang kahalagahan ng wetlands at isa narito ay ang pagbibigay ng tahanan sa mga buhay-ilang kagaya ng mga ibon. “Mahigit 40% ng wildlife specially birds, ang naninirahan sa wetlands” kaya naman, hinihikayat din niya ang mga pribadong sector at iba pang ahensya ng gobyerno na lumahok sa mga ganitong uri ng aktibidad para sa kalikasan upang maibalik ang dating malagong kagubatan.

Ang mga boluntaryo ng nasabing aktibidad ay nakapaglinis ng higit kumulang 80 pirasong sako ng basura sa isang kilometrong baybaying ilog , at nakapagtanim ng anim na daang Kalapinay/Api-api (Avicennia marina).