Bilang pakikiisa sa selebrasyon ng World Wetlands Day ngayong taon na may temang "Wetlands and Water: Inseparable and Vital for Life", ang PENRO Laguna, sa pangunguna ng Conservation and Development Section (CDS) ay nagsagawa ng Information, Education and Communication (IEC) Campaign sa Brgy. Tadlac, Los Banos, Laguna at Brgy. Masili, Calamba City, Laguna ngayong 2 Pebrero 2021.

Ang Tadlac at Masili ay kasali sa tatlong Barangay (Tadlac, Masili at Sukol) na nakakasakop sa Tadlac Lake o kilala rin bilang Alligator Lake. Taong 2016 ng maisagawa sa pagtutulungan ng PENRO at mga Sangguniang Barangay ang pagbuo ng Tadlac Lake Management Plan, isang plano kung saan naglalaman ng mga programa at aktibidad na naglalayong paigtingin ang pangangalaga at pagprotekta sa Tadlac Lake. Ngayong taon, ay may mga nakalatag ding mga aktibidad na iimplementa ng CDS.

Ang isinagawang IEC ay isa sa pamamaraan ng opisina na mapalawak ang kamalayan ng mga lokal na komunidad sa kahalagahan ng Tadlac Lake sa kanilang mga sarili, sa pamayanan at sa kapaligiran. Layunin din nito na pagtibayin ang ugnayan at pagtutulungan ng PENRO, Sangguniang Barangay, organisasyon at lokal na komunidad upang mapangalagaan ang lawa ng Tadlac.

Tinalakay ni Forest Technician II Teresa Silan ang wetlands o latian, mga "ecosystem services" na ibinibigay nito at mga pangunahing impormasyon tungkol sa Tadlac Lake. Binigyang diin naman ni Environment Management Specialist II Jocema Adornado ang importansya ng tamang pamamahala ng basura at ilang mga mahahalagang nilalaman ng "Ecological Solid Waste Management Act of 2000" o RA 9003 upang ang mga "solid wastes" ay mapigilan na magtungo sa lawa. Gayundin, tinilakay ang mga mahahalagang tungkulin ng barangay at ng mga mamamayan upang maging maayos ang pamamahala ng basura sa barangay.

Ang IEC ay dinaluhan nila Kapitan Ambito Meneses - Tadlac, Los Banos at Kapitan Eliseo Ligaya - Masili, Calamba City. Ipinahayag naman ng dalawang Kapitan sa kani-kanilang mga mensahe ang kanilang suporta sa mga aktibidad at programa ng PENRO para sa Tadlac Lake. Dumalo rin sa nasabing IEC sina Chief, Technical Services Division Divina A. Villaluz at Chief, CDS For. Melvin L. Lalican. Kabilang sa mga nagbigay partisipasyon sa isinagawang IEC ang mga miyembro ng Sangguniang Barangay, Sangguniang Kabataan, Sagip-Lawa, Fisheries and Aquatic Resource Management Councils (FARMC) ng Masili at ilang lokal na komunidad na naninirahan malapit sa lawa.