Print

Bilang pakikiisa sa selebrasyon ng World Bamboo Day na may temang Pamanang Kawayan: Luntiang Ginto ng Kagubatan, ang PENRO Laguna ay nagsagawa ng Bamboo Tree Planting Activity ngayong araw, Setyembre 18, 2020 sa Brgy. Tranca, Bay, Laguna kasabay ng malawakan at sabay-sabay na pagtatanim ng kawayan sa buong Pilipinas kaugnay ng Nationwide Bamboo Planting Kick Off Ceremony ng Philippine Bamboo Industry Development Council (PBIDC) kasama ang Forest Management Bureau ng DENR na ginanap sa Batasang Pambansa Complex, Quezon City.

Isang maikling programa naman ang isinagawa bago ang mismong pagtatanim ng mga kawayan, nagbigay ng kanyang mainit na pagtanggap sa mga taga PENRO Laguna at iba pang mga kalahok si Kapitan Arnold P. Martinez ng Brgy. Tranca, Bay, Laguna sa pamamagitan ng isang pambungad na talumpati. Gayundin ay nagpahayag ng kanyang mensahe si PENRO Ronilo L. Salac tungkol sa selebrasyon ng World Bamboo Day at mga kahalagahan ng kawayan sa ekonomiya at kapaligiran. Hinikayat din ni PENRO na patuloy na makiisa at suportahan ng Barangay ang mga programa ng DENR at pangunahan ang pagprotekta sa mga naitanim na kawayan.

Tinatayang 200 seedlings ng Kawayang Tinik ang naitanim ng mga personnel ng PENRO Laguna, opisyales ng Sangguniang Barangay ng Tranca at ilang mga residente na nakilahok sa nasabing aktibidad.