Print

Bilang selebasyon ng Month of the Ocean (MOO) ay isinagawa ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Calaca ang SCUBASURERO na sinabayan na rin ng paglilinis ng tabing dagat noong ika-18 ng Mayo, 2021 sa Brgy. Balite at Locloc, San Luis, Batangas.

Ang pagdiriwang ng Buwan ng Karagatan ay isinasagawa kada taon tuwing buwan ng Mayo upang maipabatid ang kahalagahan ng pagkonserba, pagprotekta at tamang pamamahala ng yamang dagat. Ngayong taong 2021 ay ipinagdiriwang ito na may temang “Science We Need, For the Ocean We Want”. Kaugnay nito ay nagsagawa ang CENRO Calaca ng Scubasurero o ang pagpupulot ng basura sa ilalim ng dagat sa pakikipagkoordinasyon sa Local na Pamahalaan ng San Luis na pinangunahan ni MENRO Rinkoh Hernandez.

“Alam naman natin ang mga kahalagahan ng bahura, at isa na rito ang pagsilbi nitong tahanan ng mga yamang dagat” pahayag ni Conservation and Development Section Chief, For. Elizabeth Galit, kung saan ipinaliwanag niya ang importansya ng Scubasurero at ang layunin nito na mabawasan ang mga basurang nakakasira sa mga bahura. Nagbigay din ng IEC lecture si Forest Technician I/Information Officer, For. Karen Sotomango ukol sa Selebrasyon ng Month of the Ocean, Estado ng yamang dagat at ang mga banta sa mga ito, Ecological Solid Waste Act (RA 9003) at Mga simpleng pamamaraan ng pag sagip sa karagatan.

Ang aktibidad na ito ay dinaluhan ng nasa 40 katao. Kabilang sa nakilahok sa paglilinis ng tabing dagat ay ang mga empleyado ng Conservation and Development Section ng CENRO Calaca at ang mga opisyal at residente ng Barangay Balite at Barangay Locloc, San Luis, Batangas. Ang Scubasurero naman ay nilahukan ng mga sertipikadong divers ng CENRO Calaca at ng mga boluntaryong divers mula sa Alao Dive Academy at Starboard Dive Resort.

Bukod sa pagpupulot ng basura sa ilalim ng dagat ay nagkaroon din ng inisyatibo ang mga volunteers na kontrolin ang pagdami ng mga Crown-of-thorns Starfish (Acanthaster planci) na kumakain ng mga coral sa pamamagitan ng pagpuksa sa mga ito.

Sa kabuuan, nasa 14 na sako ng basura ang nakolekta sa higit kumulang 210 metrong pampang at 21 metrong lalim ng dagat. Nasa 45 piraso namang IEC materials ang ipinamigay sa mga residente.

Ang mga kalahok ay mahigpit na sumunod sa public health standards and IATF protocol, katulad ng pagsusuot ng face mask at pagobserba sa social distancing. ###