Kamakailan lang ay nilagdaan ang “Memorandum of Partnership Agreement” (MOPA) sa pagitan ng DENR CALABARZON at Munisipalidad ng Baras, Rizal upang pangasiwaan ang mga aktibidad ng “LOCAL LAND TITLING PROGRAM” sa mga nasasakupan nitong barangay.

Ang barangay Mabini na may humigit tatlong libong (3,000) “Cadastral Survey Lot” o parsela ng lupa ay ang unang barangay na sasailalim sa programang “Rapid Land Tenure Appraisal” (RLTA) o ang pag-iimbentaryo ng mga titulado at hindi pa tituladong lupa.

Ang oryentasyon na ginanap sa bagong gusali ng Baras Evacuation Center ay dinaluhan ng mga opisyales ng Barangay Mabini sa pangunguna ng kanilang Punong Barangay na si Hon. Paul Waynne F. Llagas ksama ang Municipal Planning Officer at Municipal Assessors Officer ng Baras, Rizal

Kabilang sa mga ipinaliwanag ay ang tamang proseso ng pagpapatitulo sa mga lupang residensiyal ayon sa “Residential Free Patent o Republic Act No. 10023”. Dagdag pa rito, naipaliwanag din ang mga serbisyo ng PENRO patungkol sa pamamahala at pangangasiwa ng pampublikong lupa at mga hakbangin ng RLTA.

Nagkaroon din ng presentasyon ng paunang imbentaryo ng mga titulado at hindi pa tituladong lupa. Ayon sa datos, may tinatayang dalawang libong (2000) agrikultural at residensyal na lupain ang maaaring isailalim sa proseso ng pagpapatitulo.  Ang datos na ito ay kukumpirmahin sa pamamagitan ng aktwal na pakikipag-ugnayan sa mga may-ari ng nasabing lupa at pagpapakalat ng tamang impormasyon ng proyekto.

Kung may mga katanungan, lubos na hinihikayat ang publiko sa Mabini na makipag-ugnayan sa aming opisina at sa mga opisyales ng barangay. Manatiling nakaantabay sa mga anunsyo hinggil sa mga susunod na hakbangin ng programa.