Print

Ginanap ngayong ika-3 ng Marso ang pagpapakawala sa pitong (7) Brahminy Kites (Haliastur indus) o Lawin sa parte ng Mts. Banahaw-San Cristobal Protected Landscape sa bayan ng Lucban, Quezon. 

Bago ang pagpapakawala isang maigsing programa ang ginanap sa Southern Luzon State University (SLSU) College of Agriculture.  Ang naturang programa ay dinaluhan ng mga opisyales ng DENR CALABARZON Region na pinamumunuan ng In-Charge ng DENR CALABARZON Region at kasalukuyang Assistant Regional Director for Management Services na si For. Nelson V. Gorospe. Kasama din sina Assistant Regional Director for Technical Services, For. Alfredo C. Palencia, OIC-Conservation and Development Chief, For. Ramil J. Gutierrez, In-Charge ng Regional Wildlife Rescue Center For. Raymund F. Mercurio, For. Euprecina E. Limpiada ng Enforcement Division, at ang grupo ng Regional Strategic Communication and Initiative na pinangungunahan ni Ms. Ann Hazel D. Javier at iba pang empleyado ng DENR CALABARZON Region. Sa mga kawani naman ng PENRO at CENRO Quezon, ito ay pinangunahan ni CENRO Raymond A. Rivera, kasama sina PASU Salud M. Pangan, For. Janeth Salazar, For. Mark Adrian Mijares, For. Hernan Merilo at iba pang kawani.

Sa Lokal na Pamahalaan naman ng Lucban, Quezon, ito ay pinangunahan ni Kagagalang-galang Celso Olivier T. Dator, kasama sina Konsehala Sheila De Veza at Punong Barangay ng Ayuti, Eduardo Alamo at kanyang mga kagawad.  Dumalo rin ang Hepe ng Pulisya ng bayan ng Lucban na si PMajor Rizaldy Merene.  Sa pamunuan naman ng Southern Luzon State University, ito ay nirepresenta ni For. Francisco Beltran at For. Richard Valle. 

Ang gawain ng pagpapakawala ng siyam na lawin ay kaugnay ng pagdiriwang ng World Wildlife Day kung saan ito ay may temang “Forests and Livelihoods: Sustaining People and Planet”.  Sa buod ng mensahe ng mga nagpasinaya ng programa ay binigyang diin ang kahalagahan ng buhay-ilang sa ating ekosistema.  Ang importansya ng buhay -ilang ay tulad din ng sa mga tao.  Ang pangangalaga sa mga buhay-ilang nakakapagpanatili ng balanse ng ekosistema.  Ang Mts. Banahaw-San Cristobal Protected Landscape ay napiling lugar para sa pagpapakawala ng mga nasabing Brahminy Kites o mga Lawin dahil dito ay may tahanan o habitat ng mga Lawin.  Ang mga naturang Brahminy Kites ay iyong mga nahuli at inabandona at inalagaan at binigyan ng pansamantalang tahanan sa Wildlife Rescue Center.  Kapag ang mga ito ay malakas na, ito ay pinapakawalan upang bumalik sa kanilang natural na tahanan o habitat.

Pagkatapos ng maigsing programa ay umakyat ang grupo sa bahagi ng Mts. Banahaw-San Cristobal Protected Landscape na pinangangalagaan ng Southern Luzon State University at doon ito pinakawalan.