Isang malawakang pagtatanim ng bakawan ang isinagawa noong 27 Pebrero 2021 sa Lagadlarin Mangrove Forest sa Barangay Lagadlarin, Lobo, Batangas sa pangunguna ng Philippine National Police sa pakikipag-ugnayan sa DENR CALABARZON, DENR CENRO Lipa at sa lokal na pamahalaan ng Lobo, Batangas.

Pinangunahan nina Chief PNP PGen Debold M. Sinas, Police Regional Director PBGen Felipe R. Natividad, DENR Region IV-A CALABARZON Regional Executive Director For. Nonito M. Tamayo at Lobo Municipal Mayor Hon. Gaudioso R. Manalo ang isinagawang pagtatanim.

Ang nasabing gawain na may temang “Bakawan ay Pangalagaan, Bigyang Buhay ang Inang Kalikasan”, ay naglalayong pangalagaan, protektahan at mas bigyang importansya ang ating kapiligiran lalo’t higit ang mga ‘coastal areas’. Bukod dito layunin din ng nasabing gawain na mas paigtingin ang malawakang pagtatanim upang sa gayon ay makaiwas tayo sa anumang panganib kagaya ng paggguho ng lupa sanhi ng iba’t-ibang kalamidad.

Bago ang pagtatanim, nagkaroon ng isang maikling programa na kung saan nabanggit ni RED Tamayo ang estado ng ating kagubatan at ang mga inisyatibo at programa ng departamento upang mas mapangalagaan at mapagyaman ito. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng bakawan kabilang na ang pagtulong nito sa pagpigil sa pagguho ng lupa dahil

sa bagyo at iba pang kalamidad, pagsasala ng kalidad ng tubig, at pagprotekta sa ating     baybayin. Pinasalamatan din nya si Chief PNP PGen Debold M. Sinas sa inisyatibo upang maisakatuparan ang nasabing gawain.

Nagbigay din ng mensahe at pasasalamat si Chief PNP Sinas sa lahat ng nakiisa lalo’t higit sa DENR CALABARZON at sa lokal na pamahalaan ng Lobo, Batangas. Sinabi din niya na makakaasa ang departamento na tutulong sila sa pangangalaga ng ating kapaligiran lalo at isinusulong nila ang plataporma ng kanilang tanggapan na bigyang buhay ang Inang Kalikasan. Sinabi din niya na dapat bantayan at pangalagaan ang mga itatanim na bakawan upang walang masayang na inisyatibo.

Bukod dito, nagpahayag din ng pasasalamat ang lokal na pamahalaan ng Lobo sa pangunguna ng Alkalde na si Hon. Manalo. Ibinahagi at ipinagmalaki din niya ang kagandahan ng kanilang bayan katulad ng iba’t ibang panturismong atraksyon. Hinikayat niya na dapat mas pangalagaan ang mga ito upang mas mapaunlad at makilala ang kanilang bayan.

Nakilahok din ang Philippine National Police- National Head Quarter Command Group, Police Regional Office IV-A, Special Action Force, Batangas Police Provincial Office, ilang empleyado ng CENRO Lipa, PENRO Batangas at mga miyembro ng People’s Organization ng Lagadlarin, Lobo upang sama-samang magtanim.

Mahigit na 3000 na punla ng bakawan kabilang na ang mga species ng Busain (Bruguiera gymnorrhiza), Bakawan babae (Rhizopora mucronata) at Bakawan lalake (Rhizopora apiculata) ang naitanim ng mga lumahok sa nasabing aktibidad.