Noong nakaraang Enero 20, 2021 ay nakipag-ugnayan si OIC-CENRO Victor H. Mercado kay Engr. Marie San Miguel (MENRO Santa Cruz), Hon. Mayor Rosilyn Bagabaldo (Bayan ng Paete) at Lerma Pangilinan (MENRO Paete) upang mabisita ang mga pampublikong palengke, Slaughter House at Sanitary Land Fill sa mga Bayan ng Santa Cruz at Paete sa Lalawigan ng Laguna.

Sa nasabing pagbisita, ay nagkaroon ng obserbasyon at rekomendasyon sa pamamahala sa lahat ng mga uri ng basura at iba pang kaugnay nito. Para sa Bayan ng Santa Cruz, ay nagkakaroon ng regular “flushing” at pangongolekta ng mga magkakabukod na basura upang mapanatili ang kalinisan sa kanilang pampublikong palengke. Ang nasabing bayan ay mayroon din sariling composting facility na kung saan kada isang sakong nagagawang pataba ay may kapalit na limang sako para magamit ng mga magsasaka ng nasabing bayan. Nagkaroon din ng pakikipag-ugnayan ang nasabing bayan sa Department of Science and Technology (DOST) na kung saan sila ay natulungan makagawa ng mga naresiklong plastik na paso mula sa mga patapon na mga plastik mula sa isang kilalang fast food chain.

Dagdag pa rito ay mayroon din pagpapatakbo ng Slaughter house ang nasabing bayan, na kung saan ang ilang bahagi nito ay kasalukuyang isinasaayos. Napag-alaman din na nabawasan ang bilang ng mga kinakatay na baboy dito simula ng tumama ang African Swine Fever (ASF) sa ating bansa. Ang nasabing slaughter house ay mayroong drainage system na konektado sa isang filtered sewerage na kung saan nasasala ang mga dumi mula dito.

Para naman sa bayan ng Paete, ipinagmamalaki nito ang paggamit ng mga lumang dyaryo at dahon ng saging bilang alternatibong lagayan para sa mga tuyo at basang produkto. Ang slaughter house naman ng nasabing bayan ay pinaplanong ilipat nang sa gayon ay maisaayos ang operasyon nito.