Noong Abril 7, 2021, Miyerkules, nakatanggap ng isang 8888 complaint ang CENRO Sta. Cruz sa di umano’y pagtatapon ng mga basura sa tabing ilog ng Santa Cruz sa Brgy. Calumpang, Liliw, Laguna.

Agad nagtungo ang CENRO Sta. Cruz Quick Response Team (QRT) sa lokal na pamahalaan ng Calumpang at nakipag-ugnayan kay Kapitan Raymond Arnuco at konsehal Sebastian Opinion upang magkaroon ng beripikasyon sa nasabing sumbong.

Tumulak ang grupo sa lugar na di umano’y may mga nagtatapon ng basura. At pagkarating sa nasabing lugar ay tumambad sa grupo ang mga sinunog na mga basura.

Agad itong ipinalinis ni Kapitan Arnuco at nagdikit ng pansamantalang poster patungkol sa pagbabawal na pagtapon ng mga basura sa nasabing lugar. Nangako ang nasabing lokal na pamahalaan na pag-iigtingin nila ang pagpapatupad ng batas sa tamang pmamahala ng mga basura (RA 9003) at magkakaroon din sila ng monitoring sa kanilang nasasakupan upang maiwasan muli ang mga ganitong pangyayari.

Nagbigay din ang CENRO Sta. Cruz ng mga soft copy ng mga information materials patungkol sa RA 9003 upang maitaas ang kaalaman at kamalayan ng publiko sa tamang pamamahala ng mga basura.

Muling pinapalalahanan ng CENRO Sta. Cruz ang publiko na huwag po tayong magtapon at magsunog ng ano mang-uri ng basura upang maiwasan natin ang pagkakasakit ng mga tao at pagkasira ng ating kapaligiran. Inaasahan po namin na katuwang namin kayo sa patuloy na pagprotekta, pag-alaga, at pagpapaunlad ng mga natitira nating kapaligiran at likas-yaman para sa mga susunod na salin-lahi.

#DENRCALABARZON

#PENROLaguna

#CENROStaCruz