Nagsagawa ng pagpupulong ang PAMO katuwang ang Municipal Sanitary Office, MENRO, at Brgy. San Rafael Council sa mga may-ari ng karinderya sa loob ng ekoturismong lugar sa PPL noong February 4, 2020. Ang pulong na ito ay paghahanda para sa muling pagbubukas ng turismo sa PPL alinsunod sa pamantayan ng IATF laban sa COVID 19.

Pangunahing tinalakay ng Sanitary Officer na si G. Mario Perez ang tamang paghahanda ng pagkain, mga ordinansa at bagong kautusan na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan sa food safety at sanitation practices. Kabilang din dito ang pagkakaroon ng mga sapat na permits sa pamamahala ng karinderya.

Inilahad naman ng kinatawan ng MENRO na si G. Mark Israel Villar ang tamang pamamahala ng basura lalo na sa paghihiwa-hiwalay nito, wastong paraan ng pagdispose ng special waste tulad ng face mask at gloves, gayundin ang ordinansa na lokal na pamahalaan sa pagbabawal ng paggamit ng plastic sa mga dry goods at styrofoam.

Bilang resulta nito, hihikayatin ng PAMO ang mga turista na papasok sa PPL na magdala na lamang ng kanilang sariling kagamitan sa pagkain upang makaiwas sa sakit at mabawasan ang paggamit ng single-use plastics at styrofoam.