Noong ika-11 ng Mayo, pinuntahan ng CENRO Sta. Cruz Quick Response Team (QRT) na kinatawan nina Forester Daniel Lioad Arthur Mensah, Forester R.A. Reyes at Jim Kien Avien Custodio ang isang sumbong na natanggap namin mula sa aming FB account tungkol sa pagsusunog ng mga dayami at basura sa Sitio VI, Brgy. Bagumbayan, Santa Cruz, Laguna.

Nagkaroon koordinasyon ang grupo sa Sangguniang Barangay ng Bagumabayan. Ayon kay Brgy. Chairman Norman Mercado, simula ng nag umpisa ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay maraming sumbong tungkol sa pagsusunog ang natatanggap ng kanilang barangay. Nagsagawa na din sila ng paunang imbestigasyon sa nasabing reklamo. Pinaalalahanan din niya ang kaniyang mga kabarangay na bawal magsunog ng ano mang uri ng basura.

Sa magkaparehas na araw, pinuntahan din ng grupo ang Brgy. Daniw, Victoria, Laguna dahil sa isang 8888 complaint tungkol sa pagsusunog din ng mga dayami at iba pang basura na nanggagaling sa palayan.

Nagkaroon din ng koordinasyon ang grupo sa sangguniang barangay ng Daniw, Victoria. Ayon kay Brgy. Chairman Dionisio Austria, maraming reklamo na ang natanggap nila tungkol sa pagsusunog simula ng nagumpisa ang panahon ng anihan.

Agad tumulak ang grupo sa lugar kung saan may nagsusunog ng mga dayami at nakumpirma ng grupo ang nasabing sumbong.

Ayon sa ipinatutupad nating batas na Republic Act 9003 (Ecological Solid Waste Management), ang pagsusunog ng ano mang-uri ng basura ay ipinagbabawal. Kapag napatunayan, mayroon itong multa na 1,000 hanggang 3,000 pesos at may pagkakakulong ng 15 na araw hanggang 6 na buwan.

Ang Usok na nagmumula sa pagsusunog ng ano mang-uri ng basura ay maaring magdulot ng pagkakasakit ng mga tao at pagkakaroon ng polusyon sa ating kapaligiran.

Ang CENRO Sta. Cruz ay nanawagan sa publiko na huwag po tayong magsunog ng ano mang-uri ng basura upang maiwasan natin ang pagkakasakit ng mga tao at pagkasira ng ating kapaligiran. Inaasahan po namin na katuwang namin kayo sa patuloy na pagprotekta, pag-alaga, at pagpapaunlad ng mga natitira nating kapaligiran at likas-yaman para sa mga susunod na salin-lahi.